Profile, 
2005

[ picasso sellout ]

Sunday, May 23, 2004

Sentimyento ng Isang Torpe

 

(mga bagay na gustong sabihin pero hindi masabi-sabi)

Alam ko namang mahal na mahal mo s’ya. Ang sa akin lang naman… baka makatsamba lang. Pero gaya nga ng sabi mo kanina, kahit anong gawin ‘ko, wala na talaga akong pag-asa.

Una kitang nakita sa station. Pinakilala ka sa ‘kin ni Ms. Cathy. Medyo nahihiya pa ako sa 'yo nun.

Tsaka, hindi ka naman kagandahan dati. Medyo sungki ang ngipin mo. May kalakihan ang balakang Mas maliit sa mga babaeng natitipuhan ko. May kadaldalan. Ano pa ba? Uhm… Basta. Alam ‘ko, wala kang dating sa ‘kin dati.

Ewan ko ba, ba’t ngayon parang gustung-gusto na kitang kasama. Masaya ka kasing kausap. Para kang walang problema. Nakakabilib ka nga, e. Kahit anong aga ng pasok mo sa araw-araw, nagagawa mo pang magpatawa at tumawa sa mga kalokohan ng mga tao sa station.

Minsan tuloy naiisip ko, sana may pasok sa station pati Sabado at Linggo; kahit na yung salary natin ay panggastos ko na lang sa araw-araw nating lunch-out, minsanang gimik, at pangdagdag sa gas.

Basta ‘andyan ka lang, ok na.

Nasabi ko na ba sa ‘yong ang ganda ng boses mo? Ang swabe ng dating sa tenga. Pero alam mo na siguro ‘yun. Kaya nga naging DJ ka, ‘di ba? Ang labo ko talaga minsan. Walang sense kausap. Pasensya ka na, ha? Hindi naman talaga ako torpe. Nauubusan lang siguro ako ng sasabihin. Hindi naman kasi ako magaling sa English. Medyo bibo naman ako nung bata ako. Pero simula nang dumating ang playstation at naadik ako sa basketball, nakalimutan ko na ang school. Nasabi ‘ko na lang noon, bahala na ang mga magulang ko sa ‘kin.

Pero hindi naman ‘yun ang gusto kong pag-usapan natin ngayon. Masyadong mahaba ang kwento ng buhay ko para sa maikling pagkakataon na ‘to.

Marami pa ‘kong gustong sabihin.

Kumakati ‘ata ang lalamunan ko. Sarap ng San Mig Light, no? Ok sa lalamunan. Hindi nakakalasing. Nakailang bote ka na ba? Pang-apat ko pa lang ata ‘to. Hindi ko naman binibilang. Basta masaya ang kasama ko, Ok lang kung medyo malasing ako.

Pero ‘yun nga ‘ata ang kailangan ko kanina pa, ang magpakalasing.

Uhm… Kamusta nga pala yung car mo? Plano mo na bang palitan? Ok pa naman yun, di ba?

Uhm…

Naalala mo pa ba nung pinag-drive kita? Natatawa ako sa ‘yo nun. Wala lang...

Parang bigla kang naging cute sa paningin ko. Yun ‘ata ‘yung araw na nagka-crush ako sa ’yo. ‘Yun ang secret ko sa ’yo dati pa. Alam na ng lahat na may gusto ako sa ’yo, ikaw na lang ang hindi. Parang dyahe. May boyfriend ka na kasi.

Tapos, tuwing makikita na lang kita, parang ang gaang ng lahat. Ewan ko nga talaga. Malabo na siguro ako. May boyfriend ka na nga, nangungulit pa rin ako.

Sabihin mo lang ‘pag makulit na ‘ko, ha?

Hindi ko naman gusto ‘to. ‘Yun, e. Nagkaganun na lang.

Panglima mo na rin ba ‘yan? Anong oras ka ba uuwi? Buti na lang pinapayagan ka n’yang gumimik… Ba’t hindi mo sya sinama ngayon? Kaylan pa ba kayo nagkaayos? Nagulat na lang ako nung isang araw nang sabihin mo sa ‘kin na nagkabalikan na kayo.

Natahimik na lang ako. Parang naubusan ng sasabihin. Kahit na hindi mo nire-require na mag-English ang mga tao sa paligid mo… biglang hindi ko mahanap yung mga bagay na gusto kong sabihin. Hindi ko alam kung anong mararamdaman ko. Hindi sa gusto kong maghiwalay kayo, pero...

Pang-anim ko na ‘to. Ang saya dito, no? Sa ingay ng mga tao, hindi mo na marinig ang mga problema mo. Naririnig mo pa ba ako?

Nakikinig ka pa ba?

Ano ba yung mga bagay na ayaw mo sa kanya?

Uhm… Maling tanong.

Ba’t ba s’ya ang nagustohan mo?

Maling tanong na naman ‘ata ‘yun…

S’ya na ‘ata ‘yang tumatawag sa cel mo.

Hanggang anong oras ka ba? Dito ka muna. Masaya pa naman tayo, e.

Uuwi ka na ba talaga? Nag-aaway na naman ba kayo?

Sige, kausapin mo muna…

Anong sabi? Galit na naman ba s’ya?

Kaylan kaya mauulit ‘tong gimik ng mga tao sa station?

Kaylan ba uli kayo maghihiwalay ng boyfriend mo?

Sana maghiwalay na kayo...

Sana, mas marami pa ‘kong nainom kanina para nasabi ko lahat ng nasa isip ko… Hindi ‘yung natameme lang ako nu’ng sinabi kong may crush ako sa ‘yo at tinawanan mo lang ako. Akala mo, nanggagago na lang ako.

Sana lang maisip mo, kaya kong higitan ang boyfriend mo kung bibigyan mo lang ako ng pagkakataon.

Pero hindi na siguro mangyayari ‘yun. Sabi mo nga, mahal na mahal mo s’ya.

Ang sa akin lang naman… baka makatsamba lang.


In my room, 4:35 am
(04/14/03)

Comments: Post a Comment