Profile, 
2005

[ picasso sellout ]

Wednesday, August 11, 2004

Pagmasdan Mo ang mga Huling Patak ng Ulan

 

Pagmasdan mo ang
mga huling patak
ng ulan.

Mula sa mga butas
ng kalangitan—
isa-isa,
mga butil
ay nagbabagsakan
`di kalayuan mula sa
ating kinatatayuan.

Pagmasdan mo ang
mga huling patak
ng ulan.

Kanina lang,
isa s’yang daluyong
mula sa mga ulap
na humampas sa
bumbunan
ng mga mansion,
mga barong-barong,
mga bahay na kariton.

At kasabay ng
ngitngit ng
hanging amihan,
kanyang nilawayan
ang humihimbing
na kapatagan.

Pagmasdan mo ang
mga huling patak
ng ulan.

Ang kanyang mga
huling luha
ay tila pa nga
nagmamakaawa.

Pero sa tilamsik
ng kanyang bawat butil
sa lupang ating
kinatitirikan,
iyong maririnig:
mga panaghoy
ng pamamaalam
at pagbabanta.

Katapusan nya ngayon.

Babalik uli s’ya bukas.


PSHS, 2:30 pm
(08/10/04)


Comments: Post a Comment