Thursday, December 09, 2004
MAS pa sa MAS Malupet
Kanina, nabunggo na naman ako sa Regalado Avenue; malapit lang sa Petron—kung saan nabunggo si Ola ng kurimaw na bus nung September. Ang MAS malupet pa, ang tama ay sa bandong likod uli—kung saan bumangga yung kurimaw na bus na yun. Ang MAS pa sa MAS malupet, isang motorsiklo lang ang nakabunggo. Ang kawawang bike, apat ang sakay: ang sanamabits na driver, isang misis, at dalawang walang muang na bata.
Ang eksena: intersection, 6:45 am, matrapik, may stop light.
Umandar ang mga kotse, ilang sandali lang, nag-orange ang ilaw at naging pula. Hinto ang mga kotse. Hinto si Ola. Pero ang bike na may apat na sakay (isang pamilya) ay hindi nagpapigil sa pulang marka ng kalsada. Ginamit pa si Ola na pang-angkla. Basag ang ilaw sa kanan at baku-bako na naman ang likod ni Ola. Ang mga bata, sugatan. Dinala sila ni misis sa tabi ng kalsada. Ang sanamabits na tatay ayun, walang nagawa kundi tumunganga.
Ilang sandali pa, Mas lalo nang nagtrapik sa Regalado. At ang misis, kasama ng mga bata, naglaho na. Nilipad siguro ng hangin.
Nakipag-usap ang sanamabits na driver. Wala raw s’yang pera. Yung “babae” raw ang may pera. Ang tarantado, ayaw pang sabihing asawa at anak nya yung mga kasama nya. Taena, ni wala man lang bahid ng pag-aalala yung mukha nung gunggong nay yun. Sarap bigwasan.
At ang MAS pa sa MAS pa sa MAS malupet, nung nag-red uli yung ilaw, may isang bungguan na naman. Sa tabing lane namin mismo sila nagsalpakan. Pero gasgas lang sa kanila kaya naayos agad. At ang trapik, naging MAS malala pa.
Tinabi namin si Ola at ang bike. Nag-usap. Wala raw talaga syang pera. Mas iniisip pa nya yung kasong kasasadlakan nya kesa run sa batang sugatan. Taenang tatay yan, o. Walang kwenta.
Lakad kami papunta sa isang computer school. May elementary at high school na pala ang dakilang computer school. Sabi ni sanamabits tatay/driver, dun daw nag-aaral ang mga “bata.” Ang taenang yun, mga “bata” raw. Ayaw pang sabihing anak nya yung mga yun. Hinanap namin yung dalawang bata sa school. Wala raw. Kilala yung babae sa school. Empleyada pala ng eskwelahan. Pero ang kanyang opisina, sa kabilang campus pa. ilang metro lang ang layo sa elementary at high school nila.
Antay kami. Walang telepono ang sanamabits na tatay. Wala talagang silbi. Hindi nya alam kung nasaan ang pamilya nya. Wala rin syang planong hanapin. Gusto na lang nyang antayin sa eskwelahan ang misis nya kasabay ng mga bata. Taena talaga.
Antay pa. Naiinip at sobrang bad trip na ako. Tumawag ako sa trabaho ko. Wala na pala akong load. Nagmakaawa ako sa guard ng computer school na pagamitin ako ng telepono nila. Nagdalawang-isip muna. Pinagpaalam ako sa bosing nya. Pumayag ang bosing ng eskwelahan. Tawag ako sa trabaho ko. Nagsumbong ako na parang bata sa sekretarya ng bosing ko. Wala akong makausap, e. Pakiramdam ko sasabog ako sa inis dun sa sanamabits na tatay/driver.
Paglabas ko, andun lang sa pintuan si sanamabits na tatay/driver. Mukhang wala syang plano kundi mag-antay sa misis at mga sugatang anak. Lumabas ang isang teacher (usisera/concerned) para alamin yung nangyari. Tinanong si sanamabits tatay/driver kung kaanu-ano nya si misis at mga bata,. ang sagot ni sanamabits tatay/driver, “kamag-anak ko.”
Showbiz din sumagot. Deny pa amp.
Tumawag si guard sa kabilang campus. Sabi raw sa kanya, nasa Fairview General Hospital na raw. Pero ang sanamabits, nag-antay pa rin. Wala ata talagang balak hanapin ang pamilya nya. Ok talaga.
Konting antay pa. Tinanong ko sya kung ano balak nyang mangyare. Sobra-sobra na ang pagkainip at taas ng dugo ko. Saka lang sya nagsabi na hanapin na namin yung kasama nyang “babae” at mga “bata.” Napansin ko lumapit sya kay Ola. Akala ata nya gagamitin namin yung sasakyang binunggo nya.
Sakay kami ng dyip. Ang sanamabits na tatay/driver, taena ang tagal maglabas ng barya. Ilang dipa lang ang layo ng computer school sa ospital, nagbagal-bagal pa. Ang gagong yun. Walang pamasahe. Ako pa ang pinagbayad. Sige, onse pesos lang naman kaming dalawa. Pero tsong, ang balat sa mukha, abot hanggang Quiapo.
Pagdating sa ospital, ako pa ang nagtanong sa mga nurse kung may mga batang sugatan na napadaan sa emergency. Napipi na ata si sanamabits na tatay/driver. Wala raw sa General Hospital. Lakad kami sa Dahlia. Sakay ng tryke papuntang FEU Hospital. Nasa isip-isip ko lang kanina, tadu na lang nito kung hindi pa to maglalabas ng pamasahe. Pagbaba namin, aba potek may isang daan pala. E ang mamang tryke driver ala raw barya. Sabay tingin sa akin si sanamabits na tatay/driver. Taena. Ang kapal.
Sa emergency, may dumaan nga raw na batang sugatan. Ang sabi ng guard, isa lang daw. Tarantado tong si sanamabits na tatay/driver. Alam pala nyang nasa computer school yung isang anak nya, ni hindi man lang kinamusta.
Eto ang PINAKAMAS sa MAS pa sa MAS pa sa MAS malupet. Nung pagdating naming sa x-ray room, ang bata, naka-wheel chair na. Tumingin pa sa akin na parang kawawa. Ang puso ni Sir Marc nadurog ata. Pinakiusapan ako ni misis kung pwedeng ipagpabukas na lang namin ang singilan sa nasira kay Ola. Tutal naman daw alam ko ang opisina at numero nya.
Napa-oo na lang ako.
Unggoy. Naawa ka na naman.
In my room, 3:00 am
(12/09/04)
*****
Napaayos na si Ola. Salamat kay "babae." Tsaka may babaguhin ako sa sinabi ko. Utol pala ni "babae" si sanamabits na driver. Maayos na rin daw yung bata. Nilagnat kahapon pero hindi naman malubha yung sakit. Kaylangan lang daw ng pahinga kasi hindi pa nga makapaglakad. Pasensya na. Bad trip lang talaga ako kahapon.