Profile, 
2005

[ picasso sellout ]

Tuesday, December 14, 2004

Para kay Da King

 

Sa 'yong pagpanaw, nakidalamhati ang sambayanan. Mas maraming umiyak, nagulat, at nadurog ang damdamin sa pagkawala mo kaysa sa pagkawala ng daang daang buhay at kabuhayan sa Quezon, Nueva Ecija, Bulacan, at iba pang maliliit na bayan.

At sa isang 'di inaasang pagkakataon, muling nabuhayan ng loob ang mga kaalyansa mo sa politika. Nakakita na naman sila ng isang ginintuang oportinidad para guluhin at lituhin ang taong bayan.

Sabi nila, namatay ka na isang tunay na bayani. Kasi raw kahit na ayaw mo, nakinig ka sa hiling ng iyong mga tagasuporta. Kahit na laban sa iyong kalooban, napilitan kang tumakbo bilang presidente. Pinagdidiinan nila, ikaw ang aming totoong pangulo. Pero wala akong pakialam dun. Nasabi ko na nga noon, hindi kita binoto. At kahit bugbugin pa siguro ako ng sandaang stuntmen mo, hinding-hindi kita iboboto.

Halos nakasisiguro na ako, ipalilibing ka nila ng mas magarbo pa sa huling araw ni Ninoy Aquino. Sabagay, kung si Rico Yan nga, hindi lang nagising, nagmistulan nang hero.

Sa kaso mo naman, namatay ka raw sa sobrang inom ng alak.

Sa iyong burol sa Sto Domingo, nakakita ng napakagandang negosyo ang maliliit na tindera/tindero. Kumalat ang kung anu-anong parapernalya na may pangalan mo sa halos lahat ng sulok ng simbahan. Mga t-shirt, sumbrero, sticker, tsaleko na may FPJ ay mabibili sa murang halaga para lang magpakita ng kanilang pakiisa. Nakiisa rin ang mga walang magawa sa bahay/buhay, mandurukot, snatcher, manyakis, at mga batang Banawe na tirador ng spareparts ng kotse.

Pero siguro, tawang-tawa ka na kung nasaan ka man ngayon. Kasi mas iniyakan ka pa ng mga tao at binigyan ka ng mas malaking media coverage kaysa sa mga taong nagdusa nung kasagsagan ng tag-ulan. Mas marami pa ang mga taong nakipila para sa'yo kaysa sa mga taong nagvolunteer at nagbigay tulong para sa mga taong nawalan ng kamag-anak at tahanan. At mas matagal pa ang pagpapakita ng pag-iyak ng misis mong si Susan at kung sinu-sinong nakikisakay na pontio pilato kaysa sa paghahanap ng mga bangkay na inanod ng tubig o nilamon ng putik sa mga kanayunan.

Hindi ko alam kung bakit ko pa pinag-aaksayan ng panahon 'to. Siguro dahil sa pelikula mong Panday na minsang nagpamangha sa musmos kong isipan. Pero ang bayang Pilipinas, patuloy sa pag-aastang bata. Hindi nila naiintindihan na ang taong nakahimlay sa iyong ataul ay isang tao at hindi isang dios-diosan.








SM, 2:45 pm
(12/14/04)



*****


Pinalitan ko yung nauna kong sinulat. Ewan.