Profile, 
2005

[ picasso sellout ]

Sunday, January 16, 2005

American Dream

 

Si Ermats. Masipag. Matalino. Praktikal.

Bukambibig nya ang trabaho ko. Na sana raw maisipan ko nang mag-abroad. Na kesyo malaki pera run. Na kesyo mas giginhawa ang buhay namin dun.

Lagi nyang tanong, asan na raw ang ambisyon ko?

Pero kanina. Halos wala pa akong tulog. Kahit hilu-hilo ako, ipinagmaneho ko sila sa isang malayong simbahan ng Sto Nino. Tapos biglang naging usapan na naman yung planong pagpapa-alis sa akin.

Ganun na naman ang tanong, asan ang ambisyon ko?

Nasagot ko na lang ng, "Pasensya na po kayo. Ang ambisyon ko naipit ata rito sa manibela."

Kasi ba naman. Ipagdiinan ba naman uli na teacher LANG daw ako. Ano ba naman daw ang sweldo ng teacher dito sa Pinas?

Gusto ko na sanang sagutin ng, "Kayo kaya magturo sa Pisay? Ewan ko lang kung hindi magbago tingin nyo sa mga teacher. Hindi ako basta teacher LANG. Tsaka teka nga, teacher din naman kayo, di ba?"

Pero hindi. Tumahimik na lang ako. Alam naman nya na mas gugustuhin ko pang iuntog ulo ko sa pader ng isang libong beses kesa magturo sa labas.

Ang iniisip nya, naduduwag lang ako. Lagi nyang sinasabi na immature ako kasi kung anu-ano raw ang nasa utak ko. Wala na raw akong inatupag kundi ang magsulat ng tula at makinig ng radyo at mag-internet at magdrawing at palu-paluin ang bonggos ko at umuwi ng gabi. Wala raw pera sa pagsusulat at pagtuturo. Wala raw akong patutunguhan dito.

At babalik na naman kami sa tanong nya. Asan na nga naman ang ambisyon ko?




Ambisyon. Inspirasyon.


In my room, 11:30 am
(01/16/05)



*****


Pero labs ko si Ermats. Pramis.

Comments: Post a Comment