Profile, 
2005

[ picasso sellout ]

Saturday, January 08, 2005

Masaya

 

Dong,

Ewan ko ba, tsong.

Kanina ko pa talaga naiisip yung napag-usapan natin nung second year college tayo. Nasa chapel tayo nun. May misa 'ata. Medyo malabo na sa utak ko kung ano pa ang nangyari sa paligid. Hindi ko nga alam kung ano ang sumagi sa utak ko at bigla na lang kitang tinanong kung may balak kang pakasalan si Rows.

Sagot mo: isang diretsong "Oo."

Ni hindi ka man lang kumurap o huminga ng malalim. Lumaki kang komedyante kaya nag-antay ako ng ilan pang sandali. Baka kasi may punchline. Pero walang nakakatawa sa sinabi mo. Hindi ka rin ngumiti. Nakatingin ka lang sa labas. Dagdag mo pa, mga ilang taon lang pagkatapos ng kolehiyo, tutuluyan mo na.

Nasabi ko na lang din, "Hmm... kami rin ni ______, after ng college."

Patuloy ka lang na tumingin sa labas.

Pagkaraan ng dalawang taon, nawala na kami ni _______. Pero kayo ni Rows, pagkatapos ng pitong mahabang taon, matibay at masaya pa ring nagpapatuloy.

At kanina nga sa San Sebastian, tinotoo mo 'yung mga sinabi mo nun. Ngiting-ngiti ka na parang nagpapatawa nang lumabas kayo ni Rows ng simbahan. Sayang-saya ka na mukhang ewan.

Ungas ka. Ang tagal ng punchline mo.





Masayang pag-iisang dibdib, mga tsong! Love you both.


In my room, 9:00 pm
(01/08/05)