Monday, March 14, 2005
May Babae sa Kusina
Marahan ang iyong paglalakad,
halos lumulutang ang mga yapak
dahil sa gaan ng iyong mga paa.
Ang itim mong buhok,
tumatakip sa iyong mukha—
parang naghuhudyat
na ayaw mo ng kausap.
Ang iyong damit,
hindi halos maaninag.
Isang anino na umiihip,
bumubulong, at nagdadala
ng kung anong lamig.
Gabi-gabi mong binibisita
ang paborito mong kusina.
Pati ang bodega,
hindi na namin mapasok
nang hindi nag-aalala.
Pumapasok ka nang walang
paalam—
parang isang magnanakaw sa dilim
na hindi namin mahuli,
hindi namin mapaalis.
Pero sige.
Kung wala na kaming magagawa,
iyo na ang bodega.
At pagdating nang hating-gabi'y
wala nang tao sa kusina.
Isa lang ang aming pakiusap:
kung pwede lang sana,
kunin mo na lahat,
huwag lang ang kubeta.
Pisay, 10:00 am
(03/10/05)
*****
Naisulat para sa gabing may dumaan sa likod ng Unggoy at nagtatakbo s'ya sa kubeta para magtago sana. Sana.
Ang larawan sa itaas ay hango sa pelikulang Ring.