Wednesday, June 01, 2005
Si Jack
Si Jaclyn Margarette Crespo ay isang dating kaibigan na madiriwang dapat ng kanyang kaarawan bukas, at lilipad na sana sa Estados Unidos para makasama ang kanyang pamilya pagkatapos ng kursong nursing ngayong Oktubre.
Pero nitong nakaraan lang, sya ay ginahasa at pinatay.
Wala akong detalye kung kailan at paano nangyari ang lahat. Hindi naman na importante yun. Ano pa ba ang dapat nating malaman? Kung paano pinunit lahat ng kanyang saplot sa katawan? Kung paano sya pilit na kinubabawan? Kung pinagsusuntok ba sya bago ginahasa? Kung paano sya pinatay? Kung sinaksak ba sya o binaril o binasag ang ulo o dahan-dahan syang namatay habang naliligo sa sariling dugo? Kung umiyak ba sya o nagmakaawa? Kung ngayon ba'y masaya si Satanas at tumatawa?
Putangina, hindi na importante lahat yun.
Ano pa ba ang hahabulin natin? Yung suspek? Oo tama. Hanapin. Ikulong. Bitayin.
At pagkatapos? Wala pa rin.
Hindi ko alam kung ano ang gusto kong puntuhin ngayon. Katatanggap ko pa lang sa isang e-mail ang balita. Masyadong masakit sa nagpadala nung liham ang pangyayari kaya hindi na rin nya nasabi ang mga detalye. Mas maganda na nga siguro ang ganun—yung wala kaming masyadong alam. Pero nasa balita na sa TV yung nangyari kay Jack. Ipinakita panandalian sa TV yung isang larawan nya kagabi. Isa na namang kaso ng paggahasa at pagpatay kaya hindi ko binigyang pansin ang balita at nagpatuloy sa aking ginagawa. Hindi ko na rin narinig nang sabihin ng reporter ang kanyang pangalan. Matagal ko na syang hindi nakikita. Marami na ring nagbago sa kanya kaya hindi ko rin sya nakilala...
...o hindi ko sya kinilala.
Hindi ko inamin sa sarili ko na maaaring kilala ko yung ipinakita sa TV. Siguro kasi, normal na sa ating isipin na hindi naman yun mangyayari sa atin o sa mga taong malalapit sa atin. Parang nasanay na tayo sa mga balita tungkol sa sobra-sobrang kahayupan na hindi na tayo naaapektuhan, at pagod na tayong magtakutan. Pero kahit anong gasgas ng mga balita at kahit anong paghahanda o pag-iwas natin, ang mga kampon ng demonyo ay nananatili at patuloy na lumulupil sa atin.
Pero kahit pa anong sabihin ko, wala na talaga.
Wala na si Jack.
St Scho., 12:05 pm
(06/01/05)
*****
Si Jack.
Ang suspek, Kim Ojano, edad 27. Kapitbahay ng biktima. Kitang-kita pa sa larawan na may ilang kalmot sya sa mukha.
Mga marka ng demonyo.
