Profile, 
2005

[ picasso sellout ]

Monday, August 15, 2005

Minsan, Habang Tayo’y Naglalakad

 

Minsan, habang tayo’y naglalakad,
biglaan kang huminto
at tumingin sa langit.
Nagmistula kang poste
sa tikas ng iyong tindig;
ang iyong kapit
ay lalo pang humigpit.
Gusto kong magtanong ng “bakit”
pero walang salitang nasambit
ang aking bibig.
Bumuntong hininga ka
at ang iyong tingin
ay ibinaba sa akin.
Matamlay, matagal kang tumutok
sa nagtatanong kong titig.
Pinilit mong ngumiti.
Dahan-dahang mong sinabi:

Ako na ba talaga?

Kasabay ng pagbuka ng aking bibig
ang lalong pag-igting ng aking titig.

Napansin ko na bagay na bagay sa ‘yo
ang blusang binili natin;
at napakaganda ng bagsak
ng buhok mo sa hangin.
At nang itingala ko ang aking tingin,
puti — hindi asul —

ang kulay ng langit.


Dito sa Boarding House, 3:30 am
(08/10/05)

Comments: Post a Comment