Profile, 
2005

[ picasso sellout ]

Wednesday, August 17, 2005

Paano Tumae ng Tula ang Isang Makata

 

Una, maghanda ng isang silid.
Dapat walang bintana,
Walang ibang lagusan
kundi ang nag-iisang pintuan.

Pangalawa, bumili ng makapal na kadena
at isang malaking kandado.
Isa lamang dapat ang susi
at mas maganda kung sa leeg ito itatali.

Pangatlo, magpagawa ng bakal na pintuan.
Huwag mga rehas. Dapat lamang ito’y malapad
na may matibay na masasandalan.

Pang-apat, imbitahin ang iyong Musa
para sa isang masarap na hapunan.
Huwag kakalimutang haluan
ng pampatulog ang hinandang ulam.

Panglima, kapag nakatulog na ang iyong Musa,
dali-daling lumabas ng silid
at kadenahan ang bakal na pintuan.

Panghuli, itapon ang susi,
bantayan ang pintuan,
at ang iyong Musa
ay huwag na huwag
pakakawalan.


St. Scho. 3:35 pm
(08/11/05)

Comments: Post a Comment