Wednesday, January 04, 2006
Pagtawid
“Marc, uwi na patay na lolo mo.”
Limang minutong paglalakad hanggang parking. Kaya. Baka umabot pa. Pero parang bigla atang lumayo. Puta. Hindi naman mabubuhay yung matanda kahit ano pang karipas ko.
Patay na nga raw. Malinaw na sinabi ni Ermats sa telepono. Patay na si Lolo.
Putang-ina ang tagal ko talagang nilakad ang SM. Forty-eight years.
Pagdating sa parking, ayan sinagot na ni Beaks ang telepono. Napuwing ata ako. Naramdaman ko na lang na medyo namasa ang mata ko. Putang-ina kasing parking lot yan. Maalikabok.
Ibang klase ang init sa loob ng kotse. May aircon naman.
Puta, matrapik.
Pero kahit kumaripas pa tong kotse, patay na nga.
Patay na, unggoy. Ngayon ka pa nagmadali, hayup ka.
Putang-ina ang init talaga.
Tuwing dadalaw ako kila Lola, gatas ang gustong padala ni Lolo. Biro ko pa kay Lola, bakit ko pa bibigyan si Lolo e wala naman nang kilala. Kahit asawa nya, hindi nya na kilala. Kapag nakikita nya nga kami, nagugulat, natatakot.
May laging banat si Lolo.
“Sino kayo?!”
Dilat na dilat pa mga mata. Parang iiyak na sa takot.
“Lo, si Marc po to. Apo nyo kay Letty.”
“Sinong Letty”
“Lo, anak nyo.”
“Asan na nanay?”
“La, hinahanap na kayo ni Lolo. Nagugutom na ata.”
Hindi kami kilala. Noon pa. Ayaw nya sa tao. Laging gulat. Si Lola lang ang kilala. Nanay pa ang tawag.
Ayaw na rin nyang tumayo. Laging nakayuko sa kama. Masakit daw kapag humilata.
“Lo, bakit hindi kayo humiga ng maayos?”
“Sakit.”
“Saan po, sa likod nyo?”
“Oo. Hindi galaw. Sakit.”
Si Lola, matibay. Tagapaglinis nya ng katawan at kung ano mang dumi sa kama.
”Lola, hindi na po ako nakabili ng gatas, e. Kagagaling ko pa lang po sa trabaho.”
“Ayus lang yun, apo. Basta huwag nyo lang kami makakalimutan ng Lolo nyo.”
“La, eto na lang po pera. Hindi na po kasi ako makakabalik. May trabaho pa ako bukas. Merry Christmas po uli.”
Putang-ina. Pera lang ibinigay mo, hayup ka.
Hindi naman maiinom ng matanda yang pera mo.
“Asan po si Mama?”
“Nasa taas. Andyan na Lola mo.”
“Alam mo na ba ang nangyari?”
“Opo.”
“Lola, kumain na po kayo?”
“Oo, apo.”
“Ma, aalis ba tayo? Asan si Lolo?”
“Nasa punerarya.”
“Ma, saang chapel ba ang burol?”
“Dito na lang anak. Di na kakayanin ng Lola mo.”
Gusto ko mang ipagpilitan na ayaw ko sa bahay, wala na akong nagawa. Baka biglang sumunod si Lola kung magkakasakit pa. Putang-ina na lang, di ba?
Nagmistulang altar ang harap ng bahay namin dahil sa bulaklak at kandila. Hindi ako kumportable pero andun na, e.
Para palang isang magarbong set-up sa entablado ang pag-aayus ng ataul. Nang hawiin ang kurtina, lumabas ang bida. Minsan na nya kaming tinakot at pinaligaya.
Ngayon, tinapos nya sa drama.
In my room, 4:00 pm
(01/04/06)





